by: Patrick Tulfo
MAGKAPATID NA ALICE AT WESLEY GUO NAKALABAS NA NG BANSA
NAKALABAS na daw ng bansa sina dating Bamban Alice Guo at ang kapatid nitong si Wesley Guo. Ito ang rebelasyon ni Sen. Risa Hontiveros sa senado nito lang Lunes. Ayon daw sa source ng senadora ay nasa Kuala, Lumpur, Malaysia noon pang July 18.
At mula daw Kuala, Lumpur ay dumiretso si Guo sa Singapore kung saan kinita nito ang kanyang mga magulang na si Li Wen Yi at Guo Jian Zhing na galing daw ng China at dumating sa Singapore noong July 28.
Kasama daw ng mga magulang ni Mayor Alice ang sinasabing kapatid nito na si Wesley Guo at Cassandra Ong!
Siyempre pa, ang tanong paano nakalabas ng bansa ang dating mayor? Samantalang nangako ang Bureau of Immigration (BI) na hindi daw nila palalabasin ng bansa ito? Hindi naman siguro panibagong kaso ng “pastilyas scheme” ito?
Ang pastilyas scheme ay ibinunyag ng aking amang si Ramon Tulfo noong panahon ni Pangulong Duterte. Kung saan sinabi nito na may ilang tiwaling opisyal ng BI at DOJ ang di-umano’y kumita at tinawag itong pastilyas kasi ang binabayad na pera ng mga chinese na pumapasok at lumalabas sa bansa ay binabalot sa papel na parang pastilyas. Ang ilegal na sistemang ito ang dahilan kung bakit madaming nakakapasok at nakakalabas na mga dayuhan sa bansa na walang record.
Sinabi naman ni Sen. Raffy Tulfo na maaaring gumamit ng chartered plane si Guo para makalabas ng bansa. Matatandaang sinita na ni Sen. Tulfo ang kawalan ng processing center para sa mga pasahero na gumagamit ng chartered flights.
Ibig sabihin, malayang nakakalabas ng bansa ang mga taong may kakayahan na magbayad ng chartered flights. Hindi na daw kinakailangan na dumaan pa sa mahabang proseso ng IMMIGRATION tulad ng mga regular na pasahero ng commercial flights. Mayroon naman daw nag-iinspeksyon dito mula customs, BI at Quarantine Bureau, pero paano daw makikita kung wala namang CCTV sa mga lugar kung saan dumadaan ang mga gumagamit ng chartered flights.
Siguradong magpapatawag na naman sa senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration lalo na yung mga naka-duty noong panahon na lumabas sa bansa si Guo. Kaya lang, kung iintindihin ninyo ang pahayag ni Sen. Raffy Tulfo maaaring nagkalagayan na yan at sa yaman ni Mayor Guo maaaring mabulag ang mga nalagyan at handa ng matanggal sa trabaho kung sakali kasi baka mas malaki pa ito kaysa kanilang retirement pay.
SUNDAN NINYO PO AKO SA AKING PROGRAMANG ” RAPIDO NI PATRICK TULFO” NA NAPAPAKINGGAN SA DZME 1530 KHZ 10:30-12:00 NG TANGHALI MULA LUNES HANGGANG BIYERNES. NAPAPANOOD NA DIN KAMI CABLELINK CH. 5 AT FB PAGES NG DZME AT YOUTUBE CHANNEL AT MAGING SA OFFICIAL FB PAGE NG RAPIDO NI PATRICK TULFO SALAMAT PO.