HINDI ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay hindi maideliver ng CAPEX (Cargo Padala Express) ang mga balikbayan box na hawak nito.
Hawak kasi ng CAPEX hanggang ngayon ang nasa mahigit na 200 na balikbayan box na pinadala ng WMC mula sa UAE. Pinapalabas ng may-ari ng WMC na isang Indian national na nagngangalang Raz fad na itinakbo daw ng mga empleyado nyang Filipino ang perang pambayad nya sa cargo na dumating dito sa bansa.
Matapos mailabas sa Bureau of Customs ang container ng WMC sa pamamagitan ng deconsolidator nito na FGTI ay ipinasa naman nito sa iba’t ibang cargo company katulad ng CAPEX, Padluck at Munique Rapide Transport.
Nailabas na ng Padluck at ng MRT ang halos lahat ng mga balikbayan box na hawak nila kung saan nagbayad ang mga OFW para lang makuha ang kanilang mga kahon (kahit na labag sa kalooban nila ang magbayad dahil kung tutuusin ay bayad na sila sa delivery).
Pero bukod tangi itong CAPEX na hindi nagdedeliver dahil hindi umano sila binayaran ng FGTI para madeliver ang kanilang mga kahon.
Ayon sa representative ng CAPEX na si Sharon Oliveros, idedeklara umano nilang “ABANDONED” ang mga balikbayan box at nagpadala na sila ng sulat sa BOC tungkol dito.
Naguguluhan din ang Customs sa gagawing ito ng CAPEX. Nadedeklara lang umanong “abandoned” ang mga padala kung ito ay nasa Customs pa. Pero ang mga hawak ng CAPEX ay matagal nang nasa kanilang warehouse. Hindi naman kami masagot ni Oliveros kung paano ang proseso ng abandonement kung ito ay nasa puder na nila ang mga kahon.
Malinaw ang sinabi ng BOC na bawal ibenta sa iba ang mga balikbayan box. Ang bidding o pagsasagawa ng auction ay ginagawa ng BOC para mapunta sa mga cargo company na nagnanais na magdeliver ng mga naabandonang balikbayan box.
Ayon sa CAPEX, hindi daw nila iniipit ang mga kahon kahit na napakatagal na sa kanila ng mga balikbayan box ng OFW. Kinakatwiran nila ang pagsampa sa kanila ng kaso sa BOC at DTI, pero ngayong na-dismiss na ang mga reklamo sa kanila ay idedeklara na lang umano nilang “abandoned” ang mga kahon, na nakakapagtaka kung paano nila gagawin.
Ayon naman kay DDCAP (Door to Door Consilidators Association of the Philippines President at mag-ari ng LOGO (Longares Global Cargo LCC) na si Joel Longares, hindi nangyayari sa LOGO ang pagbebenta ng mga kahon dahil isinasabay na lang nila sa ibang delivery ang mga kahon na hindi nabayaran.
Sa tagal na ng problema sa mga balikbayan box, hanggang sa nyayon wala pa ring malinaw na guidelines ang Department of Migrant Workers (DMW) para tulungan ang mga OFW. Dobleng pahirap ang nangyayari sa kanila kung saan dalawang beses nila kailangang bayaran ang pinadala nilang kahon o mas malala mawala ang kanilang mga kahon dahil basta na lang pinabayaan ng mg cargo company ang kanilang mga pinaghirapan.